
HINDI tumigil ang pamamaslang ng mga pinaniniwalaang sangkot sa kalakalan ng droga sa ilalim ng administrasyon ng bagong Pangulo, ayon sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP).
Panawagan ni Sol Toquero na tumatayong NCCP Secretary for Faith, Witness and Service sa United Nations Human Rights Council (UNHRC), silipin ang ‘makabagong mukha’ ng tokhang.
Aniya, mula Hulyo ng nakalipas na taon, umabot na sa 223 ang kabuuang bilang ng mga pinaslang na drug suspect ng mga operasiba ng Philippine National Police (PNP) – at walang sinuman salarin ang napanagot batay sa umiiral na batas.
Ginawa ng NCCP ang panawagan sa kalagitnaan ng ika-52 UNHCR Regular Session kung saan inaasahang pagtibayin ang 215 sa 289 rekomendasyon ng mga bansang kasapi ng United Nations.
Sa datos ng mga human rights groups na nakabase sa Pilipinas, pumalo sa 30,000 ang kabuuang bilang ng mga drug suspects na pinaslang sa ilalim ng giyera kontra droga na inilunsad ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“We ask this council to continue urging the Philippine government to cooperate with the ICC as this would provide viable accountability mechanisms and combat impunity,” ani Toquero.
Target din ng grupo idulog sa UNHCR ang kabi-kabilang [pagpatay sa mga aktibista at ang pagsusulong sa Kongreso ng Human Rights Defenders Bill.