
BAHAGYANG sumadsad ang approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., batay sa first quarter survey na pinangasiwaan ng grupong Pahayag.
Sa pag-aaral ng Publicus Asia Inc., pumalo lang sa 60% ang approval rating ni Marcos – hindi hamak na mas mababa sa 64% na nasungkit ng Pangulo noong nakalipas na taon. Nakapagtala naman ang punong ehekutibo ng 57% trust rating.
Hindi naman gumalaw sa 67% ang approval rating ni Vice-President Sara Duterte na nakakuha rin ng 64% trust rating.
Kabilang rin sa mga opisyal na binigyan ng grado sina Senate President Juan Miguel Zubiri na nakapagtala ng approval rating na 47% at 38% trust rating; House Speaker Martin Romualdez na nakasungkit ng 42% approval at 33% trust rating; at si Chief Justice Alexander Gesmundo binigyan ng 39% approval at 32% trust rating.
Sa hanay ng mga tanggapan ng pamahalaan, nanguna ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nakakuha 73%, Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 69% at Department of Tourism sa 68%.
Pasok din ang ang Bangko Sentral ng Pilipinas na may 67%, Department of Science and Technology (66%), Department of Education (65%), Department of Social Welfare and Development (64%) at Commission on Higher Education (63%).
Pinakamalaki ang tiwala ng respondents ang TESDA na may 61% trust rating, kasunod ang AFP (60%), Bangko Sentral ng Pilipinas (55%), DepEd (54%), DOST (53%), DOT (52%) at DSWD (51%).
Ang survey at nilahukan ng 1,500 respondents.