
KASONG administratibo at kriminal ang kinakaharap ng tatlong opisyales ng Tariff Commission sa Office of the Ombudsman kaugnay tapyas-taripa sa imported na bigas.
Kabilang sa mga sinampahan ng asunto ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) sina Tariff Commission Chairperson Marilou Mendoza at Commissioners Ernesto Albano at Marissa Maricosa Paderon.
Ayon kay FFF Chairman Raul Montemayor, tumataginting na P1.87 bilyon ang nawalang kita ng pamahalaan bunsod ng pagsalungat sa Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law) partikular sa probisyon hinggil sa 198 percent tariff rate alinsunod sa panuntunan ng World Trade Organization (WTO).
Paliwanag ni Montemayor, hindi sinunod ng mga opisyal ng Tariff Commission ang legal na proseso sa pagtatakda ng taripa batay naman sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Ani Montemayor, nagpapasya ang mga komisyoner sa mga usaping tanging Palasyo at Kongreso lang ang may kapangyarihan.