HINDI bababa sa tatlong milyong food packs ikinasa ng Department of Social Welfare and Development DSWD para ipamahagi sa mga posibleng masalanta ng mga bagyo, baha at iba pang kalamidad sa bansa ngayong taon.
Ito ang inanunsyo ni Leo Quintilla, DSWD Special Assistant to the Secretary (SAS) for Disaster Response Management Group (DRMG) at officer-in-charge (OIC) ng National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB), sa ginanap na lingguhang media forum ng kagawaran sa central office nito sa Quezon City.
Ang mga relief goods na ito aniya ay strategically pre-positioned o nakaimbak na sa mga bodega sa iba’t-ibang panig ng bansa para sa mabilisang distribusyon sa oras ng sakuna katuwang ang mga lokal government units (LGUs).
Ang bawat family food pack ay naglalaman ng bigas, delatang ulam at iba pang batayang pagkain para sa limang-kataong pamilya sa loob ng dalawang araw.
Matatandaang noong nakaraang buwan ng Mayo ay iniulat ng DSWD na 3,000,658 na ang kanilang nakahandang FFPs, na siyang pinakamalaking stockpile o bulto ng food packs na naipundar sa kasaysayan ng ahensya.
Bukod dito ay nagpundar din ang DSWD ng 120,000 naka-kahong ready-to-eat-food (RTEF) para iimbak sa mga pantalan bilang mabilisang pagkain kapag may mga stranded na pasahero bunsod ng pagkansela ng biyahe ng mga barko at iba pang sasakyang-pandagat.
Ang ilan sa mga unang naka-schedule na pag-imbakan ng mga RTEF ay ang Port of Matnog sa Sorsogon; Port of Allen sa Northern Samar; Port of Batangas; Dalahican Port sa LUcena, Balanacan Port sa Marinduque; at Manila North Harbor Port.
Target umano ng DSWD na makapag-imbak ng hindi bababa sa 10 libong RTEF boxes sa bawat rehiyon ng bansa.
Ayon kay Quintilla, lumakas ang pagpundar ng DSWD ng mga pang-ayudang pagkain sa pamamagitan ng kanilang dalawang “parallel supply chain mechanisms” kung saan ang unang supply chain ay binubuno mismo ng nasyunal at lokal na pamahalaan ang pagpundar habang ang ikalawang supply chain naman ay katuwang mismo ang mga grocery, supermarket, manufacturer, at distributor.
Tiniyak din niya na masustansya ang mga ayudang pagkain ng ahensya dahil nakabatay ito sa rekomendasyon ng National Nutrition Cluster (NNC) at ng Food and Nutrition Research Institute. (REGGIE VIZMANOS)
