TINABLA ng mga bansang Australia at Belgium ang posibilidad na pag-ampon kay former President Rodrigo Duterte sakaling pagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang hirit na interim release para sa dating pangulo .
Ayon kay Atty. Kristina Conti na tumatayong Assistant Counsel sa ICC, wala umanong bansang gustong maging host ni Duterte.
“There’s no country on record that is willing to host as a third country in the interim release of the former president and Belgium declined it,” wika ni Conti.
Buwan pa ng Marso nang ikulong si Duterte ICC Scheveningen prison sa The Hague, Netherlands bunsod ng mga kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera sa panahon ng panunungkulan sa Palasyo.
Sa pagtataya ng mga human rights groups, hindi bababa sa 30,000 katao ang naging biktima ng extrajudicial killing sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Hunyo 12 nang maghain ng mosyon ang abogado ni Duterte na humihiling ng pansamantalang pagpapalaya sa isang hindi isiniwalat na bansa.
Matatandaan na inamin din ni Vice President Sara Duterte na isinasaalang-alang ng kanyang ama ang Australia pero itinanggi na ang kanyang pagbisita sa Melbourne noong nakaraang buwan ay konektado sa petisyon.
Bagamat miyembro ng ICC ang Australia, nilinaw ng pamahalaan sa naturang bansa na walang plano ang Australia kupkupin si Duterte. Ibinasura rin umano ng Belgium ang kahilingan na maging host sa interim release ni Duterte.
