TATLO sa 12 manok ng administrasyong Marcos para sa 2025 senatorial race ang kailangan magdoble kayod para makalusot sa May 2025 midterm election.
Batay sa resulta ng senatorial survey na pinangasiwaan ng Pulse Asia, hindi napabilang sa unang 12 pwesto si Las Piñas Rep. Camille Villar sa kabila ng di umano’y paggastos ng malaking pera sa social media campaign, publicity, at “collateral materials.”
Laglag din si reelectionist Sen. Francis Tolentino na dating kaalyado ni former President Rodrigo Duterte.
Bagamat wala sa Magic 12, patuloy naman ang pag-angat sa ranking ni former Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Tabla sa unang pwesto sina ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo at former Senate President Tito Sotto na kapwa pambato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod kina Tulfo at Sotto, kabilang rin sa mga administration bets na nakalusot sa Magic 12 sina Senador Pia Cayetano, former Sen. Panfilo Lacson, Bong Revilla (na nakulong dahil sa kasong plunder), Makati Mayor Abby Binay, Sen. Lito Lapid, Senador Imee Marcos.
Mula naman sa labas ng bakuran ng administrasyon sina reelectionist Sen. Bong Go, na nasa pangalawang pwesto batay sa Pulse Asia Survey, broadcaster na si Ben Tulfo (alyas Bitag) at komedyanteng si Willie Revillame.
