Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA panimula ng kauna-unahan at makasaysayang joint-hearing ng apat na komite ng Kamara de Representantes, nagpalabas ang quad committee ng ‘show cause order’ laban sa mga indibidwal na iniuugnay sa ilegal na operation ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Kabilang sa idiniin ng quad comm dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig na ginanap sa Bacolor Mini-Convention Center sa Pampanga, si former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, at dating male pageant contestant sa 2016 Mister Supranational competition sa Poland na si Alberto Rodulfo dela Serna.
Sa kahilingan ni Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano na tumatayong chairman ng House Committee on Public Accounts, inisyuhan ng show-cause order Roque at iba pang resource persons na hindi dumalo sa pagdinig kaugnay ng POGO, illegal drug trade, at extrajudicial killings (EJKs).
Matatandaan na nadawit ang pangalan ni Roque sa POGO operation nang ikanta mismo ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Alejandro Tengco na tinangka ni Roque arborin ang lisensya ng sinalakay na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Katwiran di umano Roque sa hindi pagsipot, may naka-schedule na pagdinig sa Manila Regional Trial Court. Gayunpaman, lumalabas sa beripikasyon ng Kamara na walang nakatakdang hearing ang dating tagapagsalita ng Palasyo sa araw ng quad comm inquiry.
Kinatigan naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs at tumatayong lead chairman ang mosyon ni Paduano.
Bukod kay Roque at dela Serna, inatasan din ng quad comm sina acting Bamban Mayor Eraño Timbang at department heads ng naturang bayan, mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Inc., na kinabibilangan nina Thelma B. Laranan at Yu Zheng Can, na dumalo sa susunod na pagdinig.
Pasok din sa “paanyaya” ng quad comm ang puganteng former Bamban Mayor Alice Guo, isang Bernard Chua, mga corporate executives ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. at Lucky South 99 Corp., kabilang ang isang Julian Linsangan III, incorporators ng Whirlwind Corp., na sina Josefina B. Mascarenas at Duanren Wu.
Pinadadalo rin sa susunod na pagdinig ang incorporators ng Biancham Holdings and Trading Inc., Atty. Gerald Y. Medina ng Medina, Flores Ofrin Law Office at Ruperto Cruz, Danny C. Corral, president and CEO ng First Bataan Mariveles Holdings Corp.
Ang quad-committee ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs; Public Order and Safety; Human Rights, at Public Accounts.
