
MATAPOS ang sumingaw ang bulilyasong kinasasangkutan ng mga empleyado, sinibak sa pwesto ang nasa 36 na Immigration personnel na nakatalaga sa BI custodial facility na sinalakay ng pulisya kamakailan.
Ayon kay Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng kawanihan, kabilang rin sa mga sinibak ang hepe ng BI Custodial Facility sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig kung saan narekober ang iba’t-ibang electronic gadgets (cellphones, laptops, internet routers), sigarilyo, mga sandatang nakamamatay at iba pa matapos ang ginawang pagsalakay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kamakailan.
Nagbabadya rin aniya ang isang balasahan sa kawanihan matapos sumambulat ang kontrobersiya hinggil sa VIP treatment na iginawad ng mga tiwaling BI personnel sa mga Japanese national na nakapiit sa BI Custodial Facility.
“These illegal activities are massive, then definitely there must be something going on. The head and all the people in the facility were replaced by employees taken from other BI offices,” ani Sandoval kasabay ng pagtukoy sa bagong warden – Intelligence Officer II Leander Catalo.
Tumanggi naman ang tagapagsalita ng kawanihan na banggitin ang pangalan ng mga sinibak sa pwesto.
Paglilinaw ni Sandoval, pinahihintulutan ang mga banyagang detenidong gumamit ng cellphones at gadgets sa kondisyong limitadong oras lang at dapat bantay-sarado ng mga BI personnel sa Custodial Facility.
Bago pa man ang sibakan sa pwesto, umugong ang patuloy na operasyon ng mga detenidong Hapon gamit ang mga ipinuslit na cellphones at laptop sa loob ng bilangguan.