![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/02/health1212.webp)
SA gitna ng napipintong pagtatapos ng national health emergency bunsod ng pandemya, nanawagan ang Senado na ibigay ang karampatang allowances at iba pang benepisyong nakalaan para sa mga healthcare workers na sumagupa sa peligro ng nakamamatay na COVID-19.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Senador Bong Go si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhin munang bayad ang mga medical frontliners na patuloy na umaasa sa pangako ng gobyerno.
“Iginagalang natin ang pasya ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na huwag na i-extend ang state of calamity over COVID-19.
Ang apela ko lang sa Executive, especially sa DOH at DBM, ay siguraduhin na maibibigay pa rin ang nararapat na mga allowances para sa ating mga healthcare workers na patuloy na lumalaban sa pandemya.,: ani Go sa isang kalatas.
Para kay Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health, hindi kayang tumbasan ng anumang salapi ang sakripisyo at panganib na sinuong ng mga healthcare workers. Gayunpaman, naniniwala aniya siyang nararapat lang tuparin ng pamahalaan ang pangako sa hanay ng mga taong magiting na tumugon sa hamon ng nakamamatay na mikrobyo.
Binigyang diin rin ng senador na hindi dapat maantala ang tinawag niyang “pandemic recovery efforts” sa kabila ng pagtanggi ni Marcos na palawigin ang State of Calamity.”
“Palakasin natin lalo ang vaccine rollout lalo na sa malalayong lugar at sa vulnerable sectors. Nandiyan naman ang bakuna. Suyurin po natin nang mabuti ang mga lugar na talagang kulang pa ang pagpapabakuna. Pinaghirapan natin itong mga bakunang ito kaya huwag nating sayangin. Bakuna po ang tanging solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay.”