SA hangaring pasipain ang kumpyansa ng mga atletang may kapansanan na lalahok sa nalalapit na 12th ASEAN Para Games, isang panukalang naglalayong bigyan ng dagdag-insentibo ang mga lokal na manlalarong mag-uuwi ng karangalan sa Pilipinas.
Partikular na target ng Senate Bill 2116 na amyendahan ang Republic Act 10699 (National Athletes And Coaches Benefits and Incentives Act) kung saan nakalahad ang insentibong inilaan para sa mga makakasungkit ng medalya sa mga pandaigdigang paligsahan.
Para kay Sen. Bong Go na tumatayong Sports Committee chaiman ng Senado, hindi angkop na magkaroon ng diskriminasyon sa pagitan ng mga manlalaro.
“Alam n’yo, napaka-unfair naman ng incentives na tinatanggap ng specially abled. Pareho namang ginto ang tinatanggap nila, parehong silver, parehong bronze. Parehong karangalan ang dinadala nila sa ating bansa,” dismayadong pahayag ni Go sa isang panayam kasunod ng pamamahagi ng tulong sa mga maralitang pamilya sa Gapan, Nueva Ecija.
“Bakit mas kakaunti ang natatanggap nilang cash incentives, eh, mas hirap nga silang mag-compete? Specially abled nga sila, dapat pareho. ‘Yun po ang tinitingnan ko ngayon,” dagdag pa niya.
Sa sandaling ganap na maisabatas, ipaparehas ang antas ng insentibo at gantimpala sa hanay ng mga atleta, trainer at coaching staff — may kapansanan man o wala.
“These financial incentives are intended to recognize the effort, commitment, and perseverance of para athletes, while also providing support for their ongoing athletic pursuits,” saad sa isang bahagi ng panukalang batas.
Nasa 259 katao — kabilang ang 174 para-athletes — ang nakatakdang sumabak sa 12th ASEAN Para Games na gaganapin sa Phnom Penh, Cambodia mula Hunyo 3 hanggang 9 ng kasalukuyang taon.