ANIM sa bawat 10 Pilipino ang kumbinsidong nananatili ang diwa ng Edsa People Power Revolution, batay na rin sa pag-aaral ng Social Weather Station (SWS).
Sa survey na pinangasiwaan ng SWS mula Disyembre 4 hanggang 10 ng nakalipas na taon, lumalabas na 62% ng mga lumahok na respondents ang nagsabing nananatili sa kanilang puso ang diwa ng natatanging himagsikang walang pagdanak ng dugo sa Edsa.
Sa 1,200 respondents na kinapanayam, nasa 37% naman ang diskumpyado at nanindigang wala nang dahilan pang ipagdiwang ang taunang paggunita ng Edsa People Revolution Revolution na nagpatalsik sa yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. sa Palasyo.
Araw ng Huwebes nang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – anak ng pinatalsik na yumaong diktador – bilang pista opisyal ang Pebrero 24 sa hangaring bigyang-daan ang mas mahabang bakasyon. Gayunpaman, nilinaw ng Palasyo na ‘no work, no pay’ ang naturang petsa.
Pebrero 25 ng taong 1986 nang tuluyang lisanin ng pamilya Marcos ang bansa bunsod ng pag-aalsa ng milyong-milyong Pinoy na nagtungo sa Edsa bilang protesta.
Bahagi rin ng pag-aaral ng SWS ang pagbabago matapos ang Edsa People Power Revolution. Ayon sa SWS, 47% ang naniniwalang kaunti lang sa mahabang pangakong pagbabago ang naisakatuparan ng mapayapang himagsikan, habang 19% ang naniniwalang malaki na ang pinagbago ng lipunan pagkatapos ng Edsa People Power Revolution.
Nasa 28% naman ang nagsabing walang nagbago.