KUNG pagbabatayan ang pinakahuling survey ng OCTA Research Group, mas maraming Pinoy pa rin ang tiwala sa Philippine National Police (PNP).
Sa datos ng OCTA, walo sa kada 10 Pilipino (katumbas ng 80%) ang kumpyansa pa rin sa mga unipormadong pulis, habang 5% naman ang naniniwalang di dapat pagkatiwalaan ang PNP.
Pinakamataas ang antas ng tiwala sa PNP ng mga lumahok na respondents mula sa Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga nananatiling kumpyansa sa mga pulis ang mga respondents na edad 25 hanggang 44. Ang mga walang tiwala sa pulis – edad 18 hanggang 24-anyos.
Nasa 73% ang bumilib sa mga pagbabagong nagbigay-daan sa reporma sa hanay ng PNP na niyanig ng dikit-dikit na kontrobersiya kaugnay ng droga, kotong at pamamayagpag ng mga ilegal na pasugalan.
Samantala, 41% ang nagsabing mas mainam ang peace and order sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon, sa kabila pa ng sunod-sunod na patayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isinagawa ng OCTA ang pangangalap ng datos sa 1,200 respondents mula Marso 24 hanggang 28.