
HINDI pinapansin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panawagan pagrepaso at pagbasura ng permisong iginawad ng pamahalaan sa Altai Philippine Mining Corporation na pag-aari ng pamilya ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian.
Paratang ng mga residente ng Sibuyan Island, wala man lang paramdam si Environment Sec. Antonia Yulo-Loyzaga sa kanilang liham.
“We wrote to the secretary to stop the mining in Sibuyan – to review, once and for all, the exploration permit that they granted,” ani Vivien Rios Carmona na tumatayong tagapagsalita ng grupong Bantay Sibuyan Kalikasan na nasa ikaapat na araw ng protesta sa harap ng tanggapan ng DENR.
“This is our move for us to be heard by our secretary because up to now, all our efforts, like letters, were not yet being answered. We’re not given the privilege to seek her personally. We want her audience,” giit ni Carmona.
Nasa 60 Sibuyanon – kabilang si Mayor Dindo Rios – ang sumugod sa DENR para ipahayag ang pagkadismaya sa pagkikibit-balikat ng kagawaran sa operasyon ng minahan ng mga Gatchalian.
Taong 2011 pa di umano naghain ng reklamo laban sa Altai ang mga Sibuyanon sa DENR bunsod ng anila’y malawakang pinsala sa kanilang kalikasan.
Dagdag pa ni Carmona, paulit-ulit na nilang pinadalhan ng liham si Loyzaga mula pa buwan ng Marso para sa kanselasyon ng mineral production sharing agreement (MPSA) na iginawad ng DENR sa naturang kumpanya noong Hulyo ng nakalipas na taon.
“We’re really frustrated with what’s going on with our DENR secretary.”
Nasa Estados Unidos si Loyzaga bilang punong-delegado ng Pilipinas sa Midterm Review of the Sendai Framework.
“Mukhang we’re back to zero,” dismayadong pahayag ng grupo.
Higit na kilala ang Sibuyan Island bilang Galapagos of Asia dahil na rin sa kamangha-manghang malasakit ng mga residente sa kalikasan.
Buwan ng Enero nang sumambulat ang pagmimina ng Altai ng nickel ore sa naturang isla.