November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

ADAC KIKILATISIN, MGA INUTIL PANANAGUTIN

NI LILY REYES

PAGKATAPOS salain ang hanay ng mga senior police officials, mga local drug-abuse councils (ADAC) naman ang isasalang sa pagsusuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa kalatas ng ahensya, partikular na sisilipin ng DILG ang mga nagawa ng ADAC sa kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng droga.

“The war on drugs is everyone’s business. Hindi lamang ito laban ng DILG, ng Philippine National Police (PNP) o ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ito ay laban nating lahat kaya dapat nating siguruhin na kasama natin ang mga pamahalaang lokal sa kampanyang ito,” ayon kay Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.

Kabilang sa mga isasalang sa metikulosong pagsusuri ang local drug abuse councils sa 81 lalawigan, 146 lungsod, 1,498 munisipalidad at mahigit 42,000 barangay.

Batay sa panuntunan ng DILG, pasok sa sisiyasatin ang pag-organisa ng local ADAC, pagpapatawag ng regular na pagpupulong, halaga ng pondong inilaan para sa kampanya kontra droga, at ang implementasyon ng programa alinsunod sa alituntunin ng Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan, ADAC Roadmap at mga nakalatag na estratehiya.

Sinabi pa ni Abalos na hindi lamang din natatapos sa rehabilitasyon ang tungkulin ng ADACs at mga LGUs.

“Kailangan siguruhin natin na magiging produktibong kabahagi sila ng lipunan sa kanilang paglabas sa rehabilitation centers sa pamamagitan ng skills training activities at iba pang reintegration programs,” anang kalihim.

Sa aspeto naman ng law enforcement, pinaalala ng DILG chief sa mga local officials na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng full-fledged drug-clearing operations sa kani-kanilang nasasakupan.