
BANTAY-sarado na sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Central Visayas kung saan di umano ipapasok ang bagong drogang higit na mabagsik kumpara sa shabu, ecstasy at ketamine.
Sa kalatas ng PDEA, partikular na tinututukan ang di umano’y inaasahang paglapag ng kargamento sa Central Visayas, batay sa impormasyong nakalap mula sa mga counterpart drug enforcement agencies na katuwang ng nasabing ahensya sa pagsagupa sa sindikato sa likod ng kalakalan ng droga.
Paglalarawan ng PDEA sa tinaguriang Happy Water, kombinasyon di umano ng shabu, ecstasy, ketamine, caffeine, diazepam at tramadol ang bagong likhang drogang target ikalat sa mga bansang sakop ng Asya.
Ayon kay PDEA Region VII spokesperson Leia Albiar Alcantara, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga internal counterparts sa hangaring pigilan at tuluyang puksain ang hindi tinukoy na grupo.
“We received reports that this new type of party drug has already entered Thailand and Myanmar. We are fortunate to get a lead this early to prevent its entry to the Philippines,” pahayag ni Alcantara sa isang panayam.
Babala pa ni Alcantara, higit na mataas ang peligro ng Happy Water na karaniwang hinahalo sa cocktail drinks na binebenta sa mga high-end resto bars.
Kabilang sa epekto di umano sa pag-inom ng Happy Water ang mas mabilis na pagtibok ng puso, pagtaas ng presyon ng dugo at hyper hallucination.
Batay rin aniya sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa sa larangan ng medisina, posibleng magdulot ng pinsala sa mga vital organs ang pag-inom ng Happy Water – bukod pa sa atake sa puso bunsod ng hindi pangkaraniwang bilis sa tibok ng puso.
Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PDEA sa mga may-ari ng resto bars.
“In times like this, parents have a big role to play. We would like to emphasize that this new kind of drug targets young people. Hence, we hope parents will monitor their children, who their companions are, and where they are going,” dagdag pa ni Alcantara.
“We are not saying to restrict their children. What we want to convey is for parents to monitor their children because that is part of our responsibilities as parents.”