WALA pa man ang kalamidad, tiniyak ng isang hanay ng mga lokal na negosyante ang kaligtasan ng mga residente sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal, sa tulong ng mga makabagong kagamitang pantugon sa hindi inaasahang kaganapan.
Sa kalatas ng lokal na pamahalaan, kabilang sa mga ibinahagi ng Montalban Aggregate Producers Association (MAPA) ang mga heavy equipment (kabilang ang man-lifter, backhoe at loader), radio communication, public address system, at mga kagamitang pang sagip-buhay
Kasabay ng pagtanggap ng donasyon ng MAPA, binigyang pagkilala ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang hanay ng mga negosyante – partikular si MAPA President Rolando Angeles – na anila’y katuwang ng lokal na pamahalaan sa loob ng mahabang panahon.
Samantala, katuparan naman ng pangarap ng mga mag-aaral ang puntirya ng MAPA sa pagkakaloob ng 40 unit ng high-end desktop computers para sa computer laboratory ng Colegio de Montalban, isang pamantasan sa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na pamahalaan.
Sa isang pahayag, binigyan katiyakan ni Angeles ang patuloy na pakikiisa ng MAPA sa mga programa ng lokal na pamahalaan – “Hangga’t kaya namin at para sa kapakanan ng mga mamamayan ng Montalban, hahanapan natin ng paraan.”
Sa mga nakalipas na panahon, naging karaniwan na sa MAPA ang umagapay sa naturang munisipalidad – mapa imprastraktura man o kalikasan.
Kabilang sa mga proyekto ng MAPA ang pagsasaayos ng center island sa kahabaan ng E. Rodriguez Highway na nagdurugtong sa Montalban at Quezon City. Pasok rin sa talaan ng mga patuloy na sinusuportahan ng nasabing grupo ang pagtatanim ng puno ng iba’t ibang sektor, kabilang ang barangay at mga kabataan.
Higit na kilala ang MAPA sa agresibong pagtugon sa tuwing may kalamidad.