WALA nang matatanggap na pensyon ang mga magreretirong sundalo at pulis pagsapit ng taong 2028, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng giit para sa reporma sa pension system ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Gayunpaman, tiniyak ni Marcos na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan gawing ‘self-sustaining’ ang AFP at PNP pension system para maiwasan ang bangungot sa hanay ng mga magreretirong pulis at sundalo.
Kabilang aniya sa mga kinokonsidera ang pagbuo ng isang “self-regenerating” pension plan para sa militar at uniformed personnel (MUP) ng AFP at PNP – “Kami ay nasa kalagitnaan pa rin ng pagsasama-sama ng mga plano sa pensiyon upang ito ay makapag-regenerate sa sarili.”
“Ngayon, nagsusumikap kami sa pagtiyak na mayroon kaming pension plan para sa AFP at para sa pulisya,” dagdag pa ng Pangulo sa patuloy na pagsusuri ng pension system sa hangaring maiwasan ang posibleng fiscal collapse.
