
HINDI na nagawa pang itago ni Land Transportation Office chief Jose Art Tugade ang pagkadismaya sa direktibang nilagdaan kamakailan ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ang resulta – nagbitiw si Tugade sa pwesto bilang LTO chief.
Partikular na tinukoy ni Tugade ang aniya’y salungat na pamamaraan ni Bautista sa usapin ng LTO, isang ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
“Even as DOTr and LTO both aim to succeed in serving the public, our methods to achieve that success differ,” ani Tugade sa isang pahayag na ibinahagi ng Presidential Communications Office.
Para aniya hindi mabalam ang programa ni Bautista, mas maigi pang magbitiw na lamang siya – “For this reason, I am stepping down, so Sec. Jimmy Bautista will have the free hand to choose who he can work best with.”
Gayunpaman, nilinaw ng LTO chief (na anak ni dating Transportation Arthur Tugade) na patuloy niyang ipapanalangin ang tagumpay ng nilayasang ahensya.
Sa ilalim ng pamumuno ng batang Tugade pumutok ang kabi-kabilang kontrobersiya – kabilang ang paggamit ng papel kapalit ng plastic ID cards para sa mga driver’s license.