
SA pagtatapos ng 60-araw na suspensyong ipinataw ng Kamara, nakatakdang magpulong muli ang House Committee on Ethics and Privileges para magpasya kung anong parusa naman ang ilalapat kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. dahil sa inabandonang trabaho bilang mambabatas.
Ayon kay Ako Bicol partylist Rep. Raul Bongalon na tumatayong chairman ng komite, pangunahing adyenda ang pagbalangkas ng rekomendasyon hinggil sa patuloy na pagmamatigas ni Teves na magpakita sa Kamara.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng Kamara, kabilang sa parusa ang pagpapatalsik sa mga kongresistang nagpabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Pebrero 28 nang lisanin ni Teves ang bansa patungo sa Estados Unidos para ‘magpagamot.’ Gayunpaman, hindi na bumalik sa Pilipinas ang kongresista bunsod ng aniya’y banta sa kanyang buhay.
Si Teves ang itinuturong utak sa likod ng mahabang talaan ng pamamaslang sa Negros Oriental – kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa Bayawan City noong Marso 4.
Sinampahan na rin ng kasong murder si Teves.