
Ni ESTONG REYES
SA paniwalang makakaiwas sa nakaambang parusa, tuluyan nang nilaglag ni dating Bamban Mayor Alice Guo ang mga di umano’y “big boss” sa likod ng illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa noong nakalipas na administrasyon.
Sa pagsalang ni Guo sa executive session ng Senate committee on women, kabilang sa mga binanggit ang “crucial personality” na may koneksyon di umano sa illegal POGO sa bansa.
Gayunpaman, hindi inihayag ni Senador Risa Hontiveros na tumatayong chairperson ng komite, ang pangalan ng sinasabing “crucial personality.”
Ang dahilan – hindi pa rin kumbinsido si Hontiveros.
“Hindi pa din ako masyadong satisfied sa mga pahayag sa Executive Session, bagamat there was one crucial personality confirmed by Guo Hua Ping,” saad ng senador sa isang pahayag.
“This corroborates a theory that the Committee shared a month ago,” dagdag pa niya.
Araw ng Martes nang unang ituga ng former Bamban mayor ang pangalan ng mga aniya’y “most guilty” sa likod ng mga POGO-related crime sa bansa.
Sa naturang pagdinig, derestsahang tinanong ni Sen. JV Ejercito si Guo kung siya ang mastermind sa mga krimen na may kaugnayan sa POGO o mga scam farm.
“Your honor, hindi po ako mastermind. Masasabi ko po isa po akong victim,” tugon ng sinibak na alkalde – bagay na pinaniwalaan ng senador kasabay ng giit na isa lamang aniyang “pamato” ng international crime syndicate si Guo.
Nang usisain kung sino ang most guilty, sinabi ng dating Bamban Mayor na, “I think sa tagal po ng investigation, alam na rin po ng committee, especially chaired by our Madam Chair [Senator Risa Hontiveros], who is really at the back of everything.”
“Baka sa executive session, sana ho sa huli, may pagkakataon pa kayong sabihin kung sino man ang talagang nasa likuran. Kasi nga kung ang sabi mo nga ay ikaw ay biktima, maawa rin tayo sa mga naging biktima ng POGO ‘di ba?” paliwanag naman ni Ejercito.