SA gitna ng patuloy na pagtaas sa kaso ng sexual harassment sa bansa, iminungkahi ni Solid North Partylist Rep. Ching Bernos na amyendahan ang Republic Act 11313 na mas kilala sa tawag na Safe Spaces Act.
Partikular na sinisilip ni Bernos ang probisyon sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga mapatutunayan nagkasala.
“Nakakalungkot na sa loob ng tatlumpung taon mula nang maipasa ang Anti-Sexual Harassment Act, at pitong taon matapos maisabatas ang Safe Spaces Act, tila napakalayo pa rin ng ating lalakbayin.” pahayag ni Bernos.
Aniya, “tila ba nawawalan ng silbi ang batas na dapat ay pumoprotekta laban sa pang-aabuso, dahil patuloy pa rin ang mga ulat ng harassment. At ang masaklap na katotohanan ay kung konti lang ang lumalabas na kaso, tiyak na mas marami ang biktimang nananahimik at hindi nagsusumbong dahil sa takot.”
Sa kanyang akdang House Bill 3118, target ni Bernos magpataw ng mas mabigat na parusa sa gender-based sexual harassment sa mga institusyong pang-edukasyon, pagsasanay, at sa mga lugar ng trabaho, kasabay ng giit na hindi sapat ang kasalukuyang kaparusahan ipinapataw sa mga naka-agrabyado.
Mungkahi ng Solid North PL lady solon, parusang prisón correccional sa pinakamataas na antas, o multang hindi bababa sa P250,000 hanggang P500,000, o pareho, ang kaharapin parusa sa nagkasala ng gender-based sexual harassment sa mga lugar ng trabaho at institusyong pang-edukasyon o pagsasanay.
Kung ang mga lumalabag ay nasa posisyon ng kapangyarihan sa loob ng organisasyon o opisina, ito naman ay tatanggalan ng appointment habang ang mga dayuhan na gumawa ng sexual harassment ay ipade-deport pagkatapos pagdusahan sa loob ng bilangguan ang ginawang kasalanan.
Dagdag pa ni Bernos, ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na mapapatunayan naman nag-udyok, nagpalaganap, o nagpahayag ng sexual harassment, misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist na pahayag — sa salita, sulat, o social media — ay papatawan ng mga sumusunod na parusa:
- Multa na mula P100,000 hanggang P200,000, sapilitang suspensyon mula sa serbisyo nang hindi bababa sa anim na buwan na walang sahod, at obligadong pagdalo sa gender-sensitivity at anti-harassment training program na sertipikado ng isang akreditadong institusyon sa unang pagkakasala.
- Kapag maulit ang paglabag: multa na mula P200,000 hanggang P300,000, sapilitang pagtanggal sa posisyon, diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno (halal man o itinalaga), sa loob ng hindi bababa sa limang taon, at permanenteng rekord ng paglabag na nakatala sa mga kredensyal ng serbisyo publiko. Hindi rin makakatanggap ng anumang benepisyo na may kaugnayan sa dating posisyon.
Samantala, isinusulong din ni Bernos na ang mga lalabag ay inoobligang maglabas ng pampublikong paghingi ng tawad sa mga biktima at sa publiko, bilang pagkilala sa nagawang pagkakamali at pagpapakita ng muling pagtanggap sa mga prinsipyo ng Safe Spaces Act.
