BAGAMAT sa naipasang pinal na bersyon ng Kamara sa 2026 General Appropriations Bill (GAB) ay binawasan ng aabot sa P156 milyon ang hinihingi sanang kabuuang budget ng Office of the Vice President (OVP), ay tumaas naman ang pondo ng huli sa ilang gastusin para sa susunod na taon.
Sa isang pulong-balitaan sa Batasan, inusisa si House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing hinggil sa naging desisyon ng mga kongresista na kaltasan ang 2026 budget ng OVP.
“Yung kabuuan po ng kaltas sa Office of the Vice President ay inilipat po sa MAIFIP (Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients). So, P156 million po yun sa kabuuan. Kasi po yung ilan po sa mga partikular na programa na atin pong kinaltasan, kung naalala nyo po, tinitignan po natin yung financial assistance and subsidy,” ayon kay Suansing.
“Kasi po ang ating napag-usapan ay dapat po nasa ahensya po yon. The budget for financial assistance should be lodged in the different agencies like DSWD, DOH or DOLE. So, yun po ginawa natin,” paliwanag pa ng chairperson ng itinuturing na pinakamakapangyarihan na komite sa Kamara.
Subalit paglilinaw ni Suansing, na may Master in Public Policy degree mula sa pamosong Harvard University ng Estados Unidos, mayroon siyang inilatag na kondisyon bago kinatigan ang mosyon sa plenaryo para sa fund slash ng 2026 budget ng OVP.
“May dalawa po akong kondisyon na inilatag doon. Una, kailangan po protektahan yung interes ng mga personnel sa loob ng Office of the Vice President. So, malaki po kasing parte noong increase sa OVP budget na ipinanukala ng DBM ay tungkol po sa Salary Standardization Law, yung pagtaas po ng kanilang sahod… ni-retain po natin yon sa third reading version ng GAB,” paglalahad ng Nueva Ecija lady lawmaker.
“Pangalawa po na kondisyon ko na kailangan po kung makakaltasan man ang OVP, kailangan po yung pondo na matitira sa Office of the Vice President ay sapat para maipagpatuloy nila na magampanan ang mandato ng opisina. And with that po, even with the reduction, tumaas pa rin po yung kanilang supplies expense, tumaas pa rin po yung kanilang rent expense, yung operational expenses nila tumaas pa rin po,” dugtong ng lady solon.
Matatandaan na isinulong ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na mula sa hirit na P889.24 million budget ng OVP para sa susunod na taon, ay gawin na lamang itong P733.2 million, 17.5% na bawas na P156 million ang halaga.
“Let me then again put this on record. VP Sara Duterte’s repeated refusal to face this chamber is an insult. It spits on the duty of accountability. While she claims millions in public funds, she refuses to explain. This is arrogance,” pahayag ni De Lima.
“Kahangalan ang magsabi na aksidente lamang ito o resulta ng pagkakamali. Malinaw na pangmamaliit ito sa Kongreso at sa taumbayan. Sa madaling salita po, paulit-ulit na tayong binabastos ng bise presidente,” dugtong niya.
“Congress holds the purse. And when a child squanders the family’s money without answers, the remedy is clear: bawasan ang baon hanggang matuto,” paninindigan pa ng ML partylist congresswoman. (ROMER R. BUTUYAN)
