SAKALING dumating sa puntong maghahain na ng kaso laban sa mga personalidad sa likod ng madugong giyera kontra droga, posibleng maging state witness si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.
Gayunpaman, nilinaw ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong overall chairman ng quad committee ng Kamara na kailangan muna timbangin ng Department of Justice (DOJ) ang bigat ng testimonya ni Garma.
“Siguro titimbangin muna ng Department of Justice ‘yung kanyang ni-reveal na mga information kung siya ba ay magiging qualified to become a state witness or to be a beneficiary ng witness protection program ng gobyerno,” wika ni Barbers sa isang panayam sa radyo.
“Kapag ito ay natimbang-timbang ng DOJ at siya ay naman nakapasa bilang isang state witness, I’m sure irerekomenda yan ng DOJ at yan din ang pag-uusapan natin pag kami ay gumawa na ng committee report,” dugtong ni Barbers.
Kabilang sa isiniwalat ni Garma sa quad committee ang reward system sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte at maging sa pamamaslang kay dating Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Kabilang rin sa dapat aniyang surrin ang bigat ng testimonya ni Lt. Col. Santi Mendoza sa alegasyon laban kina Garma at dating Napolcom commissioner Edilberto Leonardo na di umano’y nasa likod ng pananambang kay yumaong PCSO board secretary Wesley Barayuga.
“Kino-consider din namin yung puntong iyon. Hindi naman ibig sabihin na kapag si Garma ay nagbigay ng testimonya, sworn statement sa Quad Comm eh paniniwalaan namin hook, line and sinker,” aniya pa.
“Hindi ibig sabihin na lahat ng sinabi niya ay kami ay kumbinsido na katotohanan kaya naman napakabigat ng aming gagawin na pagtimbang timbang sa mga testimonya na na-gather natin o mga affidavit na nakalap ng quad comm.”
