PARA kay Senador Francis Pangilinan, ang political dynasty puno’t dulo ng mga suliraning kinakaharap ng bansa.
Sa pagbubukas ng pagdinig sa isinusulong na Anti-Political Dynasty Bill, partikular na tinukoy ni Pangilinan ang korapsyon na kinasasangkutan ng pami-pamilyang naghahari sa larangan ng pulitika.
Sa pambungad na talumpati sa pagsipa ng pagdinig ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, kasama ang Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, nanindigan ang senador na sa sandaling matuldukan ang dinastiya, mawawala ang katiwalian na nagpapabagal sa pag-unlad ng bansa at nagpapahirap sa mamamayan.
Tinalakay sa pagdinig ang anti-political dynasty laws na inihain nina Senador Robin Padilla, Panfilo Lacson, Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, Bam Aquino, JV Ejercito, at Pangilinan.
Sa hiwalay na pagkakataon sa kanyang pananalita sa ilang resource person, pinalutang ni Pangilinan ang ideyang wakasan ang political dynasties upang makatulong sa paglutas ng matagal at paulit-ulit na problema ng bansa.
“So we can say – kung walang dynasty, walang mahirap,” aniya kay Dr. Carmel Abao ng Ateneo de Manila University nang tanungin hinggil sa akdang research paper sa “higher prevalence of poverty” in communities na mayroong “fat dynasties.”
Tinutukoy ng fat dynasties ang political clans kung saan maraming miyembro ng pamilya ang sabay-sabay na humahawak ng iba’t-ibang posisyon sa gobyerno.
“So pwedeng sabihin: Kung walang dynasty, walang korap,” aniya.
Binanggit din ni Pangilinan ang lumalakas na panawagan ng publiko laban sa political dynasty tulad ng isinagawang survey ng Pulse Asia noong Disyembre.
Sa naturang survey, lumalabas na kalahati ng mga Pinoy ang naniniwala na kapag may Anti-Political Dynasty Law, malulutas ang sistematikong korapsyon sa gobyerno.
Aniya, napapanahon ang pagsasabatas ng panukala sa harap ng bilyon-bilyong anomalya sa flood control projects na bumabalot ngayon sa bansa — at kinasasangkutan ng mga halal na dati at kasalukuyang mambabatas, kasama ang mga opisyal sa ilalim ng executive branch.
“Perfect timing ito para ugatin ang mga problema, isulong ang mga solusyon, yung concentration ng kapangyarihan at kayamanan sa Pilipinas,” aniya.
“Araw-araw, ang mayorya ng ordinaryong mamamayang Pilipino ay lumalaban ng patas para mabuhay—sa bukid, sa karagatan, sa trabaho, sa opisina, sa negosyo,” giit ni Pangilinan. “Subalit sa larangan ng politika, hindi patas ang labanan. Lalo na’t ‘pag buong angkan ang kalaban ng iisa o iilang kandidato. Hindi ito makatarungan. Hindi ito demokratiko. Dapat baguhin ito.”
Inihain ni Pangilinan ang Senate Bill 285 (Anti-Political Dynasty bill) na naglalayong wakasan ang dynastic political families kumokontrol sa yaman ng estado habang nasa pwesto. (ESTONG REYES)
