TATLONG araw. Sapat na ang naturang panahon para tuluyang ibasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa botong 42 pabor, isang tutol at tatlong abstention, idineklarang “insufficient in substance” ang unang impeachment complaint na inihain ng isang Atty. Andrei De Jesus laban kay Marcos sa ginanap na pagdinig ng naturang komite .
Para sa pangalawang impeachment complaint, hiniling ni Deputy Minority Leader and Caloocan Rep. Edgar Erice na ang pangalawang reklamong inihain ni former Gabriela Rep. Liza Maza ay maideklarang ‘sufficient in substance’.
Gayunpaman, 39 na kongresista ang tumutol sa hirit ni Erice. Ibinasura ang pangalawang impeachment complaint.
Nauna rito, binigyan-diin ni House panel Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro sa kanyang mga kasamahan ang bigat ng responsibilidad na nasa kamay ng Kongreso — ang pagpapasya sa kapalaran ng Pangulo.
“Such a task calls upon each member to exercise his or her sound discretion, individual appreciation of the facts, allegations and attachments” of the two impeachment petitions,” wika ni Luistro.
“Hindi lang ito usapin ng legalidad. Ito ay usapin ding politikal at moral. Let us vote not out of convenience, let us vote with your conscience,” dagdag pa ng lady lawmaker.
“Isipin natin ang kapakanan ng bawat Pilipino. Let us prove that in this hall, the interest of the Filipino people comes first,” giit pa niya.
Ipinagmalaki ng Batangas solon, sa kanilang naging pagdinig ay hinayaan niya ang bawat kasapi ng kanilang komite na makapaglahad ng kani-kanilang saloobin sa usapin at magkaroon ng malawak na pananaw hinggil dito.
Maituturing din, aniya, ang kanilang three-day marathon hearings bilang “extensive and exhaustive.” (ROMER R. BUTUYAN)
