ISANG prinsipyong legal ang sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan nang hindi na kinakailangang makipagtalo pa sa masalimuot na usapin ng international law, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Iginiit ni Lacson na naging may-ari ang Pilipinas ng KIG sa pamamagitan ng isang paraan ng pagkuha ng teritoryo na kilala bilang “discovery and effective occupation.”
“Yung Spratly Islands, hindi ba si Tomas Cloma ang naka-discover nito kasi in-occupy niya? And this was formalized by the late President Ferdinand Marcos Sr. by way of Presidential Decree 1596 in 1978,” ani Lacson sa pagdinig ng Committee on National Defense ng CA.
Sa pagbanggit sa prinsipyong res nullius (“belonging to no one”), sinabi ni Lacson na walang estado ang legal na nagmamay-ari ng teritoryo noong panahon nadiskubre at inokupa ito ni Cloma.
Dagdag niya, kalaunan ay ipinasa ni Cloma ang pagmamay-ari nito sa pamahalaan ng Pilipinas na nagbunsod sa paglabas ng naturang presidential decree, bagaman saklaw pa rin ito ng international law.
Taong 2016 naman aniya nang pormal na kilalanin sa bisa ng arbitral ruling ang pag-angkin ng Pilipinas sa naturang teritoryo.
Alinsunod sa prinsipyong ito, iginiit ni Lacson — na bumisita sa Pagasa Island sa KIG sa Palawan noong 2021 na tinitirhan ng mga Pilipino — na sa Pilipinas ang kapuluan.
Sa pagdinig, binanggit ni Sen. Rodante Marcoleta na ang bahagi ng KIG ay “way beyond our exclusive economic zone.”
“So atin ang KIG. And Pagasa Island is a barangay of the KIG municipality, province of Palawan. This is the only inhabited barangay in the KIG and it is ours,” giit ni Lacson. (ESTONG REYES)
