PARA sa mga miyembro ng Kamara, malaking kawalan ang pagpanaw ni Antipolo City 1st District Rep. Romeo Acop bunsod ng atake sa puso.
Sa mensahe ni Deputy Speaker Ronaldo Puno, kinumpirma ng ranking House official ang pagpanaw ng isa sa kanyang kaibigan sa nakalipas na 25 taon.
Ayon kay Puno, Nobyembre 28 nang sumailalim sa isang kidney transplant ang kongresista.
Pag-amin ng Deputy Speaker na naglingkod bilang Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng administrasyong Estrada, nabigla ang Kamara sa pagpanaw ni Acop na naglingkod sa pambansang pulisya sa loob ng mahabang panahon.
Aniya, lubos na umasa ang mga mambabatas sa pagbabalik ni Acop sa Kongreso matapos ang matagumpay na kidney transplant noong Nobyembre 28.
Katunayan aniya, mabilis ang “recovery” ni Acop na binulaga naman umano ng atake sa puso.
“Isa siyang tapat, matapang, at marangal na lingkod-bayan na buong pusong naglingkod sa mamamayang Pilipino,” wika ni Puno.
“Sadly, he has really passed on. Our hearts are broken. He was a friend for more than 25 years and a devoted, courageous, HONEST public servant. The Congress and our Country are the lesser for his loss,” mensahe pa ni Puno. (JULIET PACOT)
