KASUNOD ng pagsasauli ng kinita mula sa flood control kotong ng dalawang sinibak ng opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH), isa namang kontratista ang nagbalik ng humigit kumulang P14 milyon bilang pagtalima sa kondisyong kalakip ng aplikasyon bilang state witness.
Sa kalatas ng Department of Justice (DOJ) partikular na tinukoy ang kontratista sa pangalang Sally Santos na nagmamay-ari ng SYMS Construction Trading na kabilang sa mga kumpanyang ginamit umano ng mga tiwaling Bulacan Engineering District officials sa ghost projects sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa DOJ, ang pagbabalik ni Santos ng salapi ang bahagi anila ng tinatawag ng “restitution” na isa sa mga kondisyon na nakasaad sa panuntunan ng ahensya para sa mga aplikante bilang state witness.
Sa kabuuan, pumalo na sa P236 milyon ang halagang naibalik sa pamahalaan mula nang simulan ang imbestigasyon sa tinaguriang “flood control scandal.”
Unang nagbalik ng P181 milyon si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara. Sumunod naman si former DPWH-NCR regional director Gerard Opulencia na nagsauli ng P40 milyon.
Nasa P15 milyon naman ang ibinalik ni Santos.
Kumbinsido rin ang DOJ na may ilan pang DPWH officials na sangkot sa anomalya ang nakatakdang magsauli ng pera simula sa pagpasok ng susunod na taon. (JULIET PACOT)
