POSIBLENG sa loob na ng kulungan magdiwang ng Pasko ang kontrobersyal na gaming tycoon Charlie “Atong” Ang at iba pa, matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na isinampa na ang patong-patong na kaso ng kidnapping, homicide at serious illegal detention kaugnay ng tinaguriang “missing sabungeros.”
Pag-amin ni Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, kasado na sa Lipa City sa Batangas, Sta. Cruz at San Pablo, Laguna ang mga kasong kriminal noon pang Disyembre 19.
Bukod kay Atong Ang, na itinuturing na punong-akusado, sampid din sa asunto ang 21 pulis.
Base sa revised Rules of Criminal Procedure, ang mga hukuman kung saan inihaing ang mga kaso ang siyang magsusuri kung may “probable cause” batay sa mga ebidensyang isinumite at sa resolusyon ng panel of prosecutors.
Ayon sa DOJ, sa sandaling makakita ng sapat na batayan, agad na isusunod ng husgado ang paglalabas ng mandamiento de arresto laban sa mga akusado.
Una nang kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang nakaambang pagtugis kay Ang. (JULIET PACOT)
