MATAPOS lumabas ang nakakadismayang resulta ng 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), tiniyak ni Senador Win Gatchalian na tututukan ng 2026 national budget ang pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral na bumasa.
Sa isang kalatas, pinawi ni Gatchalian ang agam-agam sa kakayahan ng mga kabataan sa bisa ng paglalaan ng sapat na budget para tugunan ang lagapak na antas ng reading proficiency sa mga Grade 5 students.
Base sa SEA-PLM, lumalabas na lubhang napag-iiwanan ang mga mag-aaral na Pinoy kumpara sa mga kapwa nilang mag-aaral sa Timog Silangang Asya. Ayon sa pag-aaral, 27 percent ng mga mag-aaral sa Grade 5 ang may “very low” reading proficiency.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng inaprubahan national budget ng Bicameral Conference Committee, tumaas sa P19.5 bilyon ang pondong ilalaan para sa pagbili ng mga libro at iba pang instructional materials mula sa P11.2 bilyong inilaan ng National Expenditure Program (NEP).
Lumabas din sa naturang pag-aaral na sa Pilipinas, may kaugnayan ang pagkakaroon ng libro sa mas maayos na performance ng mga mag-aaral.
Sa kasamaang palad, lumabas sa 2024 SEA-PLM na 52 percent ng mga mag-aaral sa Grade 5 ang iisa lamang ang textbook, samantalang 42 percent naman ang nagbabahagi ng kanilang textbook sa isa o mas marami pang mag-aaral.
Batay din sa pag-aaral, 13 percent lamang ang nakapagkamit ng “minimum proficiency,” habang nasa 14 percent naman ang may “high reading proficiency”.
Upang magpatupad ng learning recovery, isinulong din ni Gatchalian ang pagkakaroon ng karagdagang P3.3 bilyon para sa 440,000 tutors sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Inaasahang 6.7 milyong mag-aaral ang matutulungan ng naturang pondo. (ESTONG REYES)
