KUNG pagbabatayan ang desisyon ng Korte Suprema, maliwanag na sabit sa bulilyasong P60-billion fund transfer ang noo’y Finance Secretary Ralph Recto, ayon sa grupong Save The Philippines Coalition, kasabay ng hirit sa Office of the Ombudsman na patawan ng preventive suspension ang kasalukuyang Executive Secretary sa Palasyo.
Bukod kay Recto, idinamay rin ng Save The Philippines Coalition sa kasong plunder si Emmanuel Ledesma Jr., na nagsilbing Pangulo at Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon sa reklamo, ilegal ang paglilipat ng humigit-kumulang P60-bilyong pondo ng PhilHealth patungo sa National Treasury upang pondohan ang unprogrammed appropriations sa 2024 budget.
Giit ng grupo, malinaw ang nakasaad sa Universal Health Care Act — ang alokasyon para sa kalusugan, hindi pwedeng gastusin sa ibang proyekto at programa ng pamahalaan.
Tinukoy din sa reklamo ang nasa P600 milyon na nawala kada taon sa PhilHealth dahil sa fund transfer. Pangamba pa ng grupo, posibleng mas malaki pa ang pinsalang idinulot ng lipat-pondo sakaling nakasama ang nasabing pera sa mga proyektong nabahiran ng katiwalian.
Bukod sa plunder, kabilang rin sa mga inihaing kaso ang technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at grave misconduct. Humiling din ang mga nagrereklamo ng preventive suspension laban sa mga respondent habang iniimbestigahan ang kaso. (JULIET PACOT)
