Ni Romeo Allan Butuyan II
PARA sa Kamara, hindi sapat ang pakikidalamhati sa mga naulila ng dalawang Pilipinong nasawi sa madugong pag-atake ng teroristang Hamas sa Israel kamakailan.
Sa pangunguna ng mag-asawang House Speaker Martin Romualdez at kabiyak na si Tingog partylist Rep. Rep. Yedda Marie Romualdez, agad na nakalikom ng P1 milyon na hinugot sa sariling bulsa sa pag-asang mahihimok ang iba pang kongresista tumulong sa pamilya ng mga Pinoy na namatay sa madugong giyera sa naturang bansa.
“I am deeply saddened by the loss of our countrymen. In these trying times, it’s crucial for us as a nation to come together and support one another. The donation is just a small token of our shared grief and our commitment to help,” pahayag ni Speaker Romualdez.
“These tragic events remind us of the dangers our fellow Filipinos face even as they seek opportunities abroad. Our thoughts and prayers are with the families of the victims during this difficult time,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinumpirma nito ang pagdukot at pag[paslang sa isang 42-anyos na lalaki mula sa Pampanga, at isa pang 33-anyos na babae mula sa Pangasinan na nasawi naman kasama ang kanyang amo bunsod ng pag-atake ng grupong Hamas sa kanilang tinutuluyan.
Nangako rin ang House Speaker tutulungan din nilang makahanap ng oportunidad na pagkakitaan at gayundin ang pagbibigay ng scholarship para sa naiwang pamilya ng dalawang biktima.
Samantala, nanawagan naman si Romualdez na magsama-sama sa panalangin at suportahan ang iba pang naapektuhan ng kaguluhan sa Israel.
Pagtitiyak pa niya, buong pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan ang mga angkop na hakbang upang masigurong ligtas ang mga Pinoy sa Israel.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan gobyerno ng Israel upang matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino community sa naturang bansa.