Ni Jam Navales
KASTIGO-mayor ang inabot ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa isang bagitong kongresista matapos mabisto ang tinipid na anti-virus software para bigyan-daan ang umento sa sahod ng mga opisyales ng nasabing ahensya ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni House Committee on Health Vice-Chairperson at AnaKalusugan party-list Rep. Ray Reyes ang di umano’y one-month subscription ng PhilHealth para sa anti-virus software na sadyang nilikha para sa seguridad ng mga sensitibong impormasyon sa database ng nasabing ahensya.
“Parang trial version lang? Ilang buwan na po ang lumipas nang unang maireport itong data breach at ang solusyon nila sa problema ay one month subscription ng anti-virus software?,” dismayadong patutsada ng neophyte pro-health advocate lawmaker.
Nauna ng binatikos ni Reyes ang malabnaw na palusot ng mga opisyal ng PhilHealth sa likod ng data breach. Ayon sa PhilHealth, naging sagabal sa mabilis na proseso ng state insurer ang bagong government procurement guidelines.
“The expiry of the antivirus software is on you. Way before it expired, you could have done what was needed to ensure data protection,” diin pa ng House panel vice-chairperson.
Ayon kay Reyes, naiwasan at maiiwasan naman ang pagkakaroon ng data leak kung mas binigyang prayoridad ng ahensya ang pagpapalakas ng cybersecurity sa halip na itaas ang sahod ng mga PhilHealth officials.
“Inuna nyo kasi ang umento, imbes na antivirus nyo,” tigas na sabi pa ng kongresista.
Sa 2022 Commission on Audit (COA) report, tatlong doble ang itinaas ng sahod ng mga opisyales ng naturang tanggapan ng gobyerno kung saan lumalabas na pumapalo sa P500,000 kada buwan ang sweldo.
Kaya sa nangyaring data breach sa system ng PhilHealth, napatunayan lang lalo na hindi makatwiran at napapanahon ang pagtaas ng sweldo sa hanay ng mga opisyales.
“Ang mandato ng Philhealth ay pasegurong solusyon sa problemang pangkalusugan. Bakit ngayon puro problema ang bigay nito sa bayan? Hindi kailangan magdusa ng Pilipino, dahil sa kapabayaan laban sa Medusa ng ilang tao.”