ASAHAN ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lalawigang sakop ng Luzon at Visayas bunsod ng mabigat na buhos ng ulan sa mga susunod na araw ng bagyong Falcon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).
Batay sa pinakahuling pagtataya ng PAGASA, namataan ang bagyong Falcon sa layong 1,315 kilometro silangan ng Central Luzon taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras at bugsong 80 kph.
Bukod sa banta ng bagyo, kasabay rin anilang babayo ang hanging habagat sa baybayin ng western seaboard ng Luzon, eastern at southern seaboards ng Southern Luzon, at eastern at western seaboards ng Visayas.
Itinaas na rin ng PAGASA sa Orange Warning ang mga lalawigan ng Zambales, Bataan, at Pampanga kung saan nananatili anila ang banta ng pagbaha.
Gayundin sa Metro Manila, Tarlac, Bulacan, Rizal, at Cavite na isinailalim sa kategorya ng Yellow Warning.
Ayon pa sa PAGASA, asahan din ang katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan sa mga probinsya ng Nueva Ecija, Laguna, Batangas at Quezon.
Payo ng ahensya sa mga maliliit na sasakyang dagat, iwasan muna maglayag sa karagatan bilang pag-iingat.
Inaasahan naman ang paglisan ng bagyong Falcon pagsapit ng Martes.