
TARGET ng isang prominenteng senador na panagutin ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng trahedya sa Laguna de Bay kung saan 30 pasahero ang nasawi bunsod ng pagtaob ng sinasakyang bangka.
Sa kalatas ni Senador Grace Poe na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Public Services, hindi tamang palampasin ulit ng pamahalaan ang aniya’y malinaw na kapabayaan sa panig ng PCG na nagbigay hudyat sa paglalayag ng MB Princess Aya sa gitna ng pananalasa ng bagyong Egay.
“Nakakagalit at nakakalungkot itong nangyaring ito. Hindi biro ang pagkawala ng ganung karaming buhay dahil lang sa kapabayaan o baka sa pangungurakot, kaya dapat nating alamin sa imbestigasyon,” ayon kay Poe.
“Dapat mapanagot kung sinuman ang responsable sa trahedyang ito,” dagdag niya.
Sa napipintong imbestigasyon ng Senado, nakatakdang igisa ang PCG sa aniya’y pagbibigay pahintulot sa pagpalaot ng MB Princess Aya sa kabila ng ‘no-sail policy’ na pinaiiral sa tuwing masama ang panahon.
Bukod sa PCG, pipigain din ni Poe ang may-ari ng MB Princess Aya na nagsakay ng 67 katao gayong para lamang sa 30 lang ang kapasidad para sa ligtas na paglalayag – bukod pa sa kawalan ng life vest.
“Required ang life vest sa bawat isang pasaherong maglalayag sa tubig. Kailangan nila ito para mabigyan sila ng pagkakataong maisalba ang sarili nila,” ani Poe kasabay ng giit na hindi dapat pinaalis sa pwesto ang mga coast guard personnel na nakadestino sa bahagi ng Talim Island na sakop ng Barangay Kalinawan sa bayan ng Binangonan, Rizal.
“Hindi lang dapat i-relieve o paalisin sa pwesto ang mapapatunayan na may kasalanan, dapat ay kasuhan. Kasi okay lang sige tanggal tayo sa trabaho ngayon pero makakahanap tayo ng ibang trabaho na walang repercussion,” paliwanag pa niya.
Kabilang rin sa target imbitahan ni Poe ang mga nakaligtas na biktima.