HUMIGIT kumulang P2 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan ng super typhoon Egay, batay sa pagtataya ng Office of Civil Defense (OCD).
Sa talaan ng OCD, P1.2 bilyon ang halaga ng nasirang imprastraktura habang nasa P832 milyong halaga ng pananim sa 92,651-ektaryang taniman ng 75,997 magsasaka ang nasira sa pagbayo sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa OCD, 14 na katao ang namatay, 13 sugatan habang 20 pa ang patuloy na hinahanap ng lupon tagapagligtas.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesman at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Edgar Posadas, 582,288 katao (katumbas ng 164,430 pamilya) mula sa 13 rehiyon, 45 lalawigan, 306 munisipalidad at 1,752 barangay ang apektado ng masamang panahon.
Kabilang sa mga binahang lugar ang Ilocos Region; Cagayan; Central Luzon; mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon sa rehiyon ng Calabarzon; mga probinsya ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan sa Mimaropa region; at Western Visayas.
Gayunpaman, naging maagap naman ani Posadas ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektado. Katunayan aniya, umabot na sa P35.8 milyong halaga ng tulong ang binigay ng pamahalaan sa nasalanta.