
PARA sa isang partylist group, hindi biro ang peligrong kalakip ng modus kung saan target ng sindikato pagkakitaan ang mga Pinay na magdadala sa sinapupunan ng sanggol para sa mga dayuhang mag-asawa na nais magkaroon ng anak.
Sa Kamara de Representantes, inihain ni OFW partylist Rep. Marissa Magsino ang House Resolution 2055 na naglalayong busisiin ang butas sa mga polisiya sa labor recruitment at migration policy, kasabay ng giit sa repormang magbibigay-proteksyon sa mga kababaihan laban sa human trafficking.
“Surrogacy must not come at the cost of our women’s dignity and rights,” wika ni Magsino. “These women were promised legitimate jobs, only to find themselves victims of a heinous trafficking scheme. We must take immediate action to protect them and ensure such exploitation is curbed.”
Batay sa datos ng OFW partylist, nasa 20 babaeng overseas Filipino workers ang ni-recruit ng isang local manpower pooling agency para magtrabaho sa Thailand. Gayunpaman, pagdating sa nasabing bansa, agad na dinala sa Cambodia ang mga Pinay para maging mga surrogate mother.
Sa 20 Pilipina, 13 ang nabuntis sa bisa ng artificial insemination at nahaharap sa kasong human trafficking sa naturang bansa. Ang nalalabing pitong Pinaynakatakda naman ipa-deport dahil sa paglabag sa umiiral na immigration law sa Cambodia.