SA gitna ng kahirapan bunsod ng hindi maawat na pagsirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, hindi angkop na pahirapan ng mamamayan sa bagong buwis na isinusulong ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng mga miyembro ng senado ang capital reform bill na hawak ng Ways and Means Committee kung saan target ng pamahalaan makalikom ng P300 bilyong kita pagsapit ng taong 2030 sa bisa ng bagong buwis na ipapataw sa mga mamamayang Pilipino.
Imbes na bagong buwis, mas mainam anilang resolbahin ng Department of Finance (DOF) ang “tax leakage” sa importation ng mga heavy equipment, gayundin sa malawakang smuggling ng sigarilyo.
Kabilang rin sa isinusulong din ng DOF ang pagbabago sa rate ng Motor Vehicle Users Charge (MVUC) na sinasabing magdadala ng P150 bilyong kita sa pamahalaan.
Enero ng nakalipas na taon nang kontrahin ni Finance Secretary Ralph Recto ang pagpapataw ng bagong buwis, kasabay ng giit na tututukan ng DOF ang isyu ng “elevated inflation” na may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa.
“Inflation is high. When you impose taxes, that is also inflationary. So, I don’t think that now is the time to impose very high taxes,” ani Recto. – Estong Reyes
