PAGKATAPOS ng magpaandar sa susunod na hakbang ng gobyerno laban sa mga illegal POGO, biglang kambiyo ang Office of the Solicitor General (OSG) bunsod ng malaking gastusing kalakip ng naturang proseso.
Para kay Solicitor General Menardo Guevarra, masyadong magastos ang kanselasyon sa mga pekeng birth certificates na ginamit ng mga dayuhan para bumili ng mga pag-aari sa Pilipinas – kabilang ang mga malawak na lupaing nagsilbing sentro ng operasyon ng ilegal na negosyo.
Ani Guevarra, posibleng pumalo sa P75 milyon ang gagastusin ng OSG para sa kanselasyon ng 1,500 pekeng birth certificates na inisyu sa mga Chinese nationals na nasa likod ng malawakang POGO operation sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“If we go through the usual judicial process which includes publication in many instances, the total cost for 1,500 cancellation cases may run to at least P75 million,” wika ni Guevarra.
Gayunpaman, may solusyon naman aniya para makatipid ang gobyerno – yun ay kung pagtitibayin ng Kongreso ang isang panukalang magbibigay pahintulot sa administrative cancellation ng mga pekeng birth certificates.
