
MATAPOS ang pormal na panunumpa sa tungkulin, agad na nagpakitang gilas ang bagong talagang Kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Sa unang araw ng panunungkulan, agad na inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon ang malawakang balasahan sa kagawaran para maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga inaasahang papalitan si Assistant Secretary Vigor Mendoza na tumatayong hepe ng Land Transportation Office (LTO).
Sa isang pulong-balitaan sa Malacañang, hindi nagawang itago ni Dizon ang pagkadismaya sa aniya’y usad-pagong na pagpapalabas ng plaka ng mga kotse at motorsiklo.
“I’m really gonna demand from the LTO that this be addressed right away. There is no reason, kung kailangan magdagdag ng factory, dapat magdagdag ng factory. Unacceptable iyon, unacceptable,” wika ni Dizon.
Ayon kay Dizon, maraming paraan dapat gawin para makuha agad ng mga motorista ang kanilang plaka gaya ng pagpapadala sa courier o kaya ay ipa-pick up ng motorista, kasabay ng giit na sa Pilipinas lamang umano nararanasan ang mahabang paghihintay sa plaka.
Katunayan aniya, 24 oras lang ang karaniwang “time frame” para makuha ang plaka ng mga sasakyan sa ibang bansa.
“Para sa akin, dapat ibalik ang binayad… bayad iyon eh. Isipin mo bayad tapos ten years na wala ka pang plaka, para namang… sobra naman iyon di ba,” himutok ng Kalihim.
Bukod sa plaka ng mga sasakyan, problema rin aniya ang usapin sa driver’s license.
Gayunpaman, tiniyak ni Dizon na hindi lahat ng DOTr appointive officials papalitan.
“Ang sabi ni Presidente — you need to hit the ground running on day one, because there’s no time, we gonna do this quickly, the people cannot wait.”