ALINSUNOD sa direktiba ng Department of Justice (DOJ), tiniyak ng Bureau of Immigration ang mahigpit na pagbabantay sa posibleng paglabas ng bansa ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng BI na walang anumang rekord ng paglisan patungo sa ibang bansa si Bantag na itinuturong mastermind sa likod ng pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022.
Una nang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang anila’y patuloy na pagtugis sa puganteng si Bantag.
Sa direktiba ng DOJ, isinama na rin si Bantag sa talaan ng mga personalidad na nasa immigration lookout bulletin (ILBO) — bukod pa sa Hold Departure Order na inilabas ng Muntinlupa City Regional Trial Court noong 2023.
Nahaharap si Bantag sa kasong murder sa Las Piñas RTC.
Samantala, inamin ng PNP-Cordillera na walang detalyadong impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag na sinasabing kinakanlong ng mga katutubo sa naturang rehiyon. (JULIET PACOT)
