
HANGGAT walang batas na nagtatakda ng pagpapaliban ng halalan, tuloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Disyembre 1 ng kasalukuyang taon.
“The elections will push through as long as no law has been issued to cancel or postpone it,” pahayag ni Undersecretary Claire Castro na tumatayong Press Officer ng Palasyo.
Bago pa man naglabas ng pahayag ang Palasyo, usap-usapan ang pagbibigay ng panahon ng Kongreso sa panukalang batas na naglalayong gawing anim na taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
Paglilinaw ng Palace official, iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proseso ng lehislatura kaugnay ng naturang panukala.
Gayunpaman, angkop lang aniyang tiyakin na kahit anong pagbabago ay nakatuon sa layuning pagsulong ng good local governance at kaunlaran ng komunidad.