WALANG plano ang Kamara maghintay ng walang katiyakan kaugnay ng impeachment case na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang kalatas, inirekomenda ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Duterte bunsod ng umano’y paglustay sa daang-milyong halaga ng confidential funds.
Bukod sa bise-presidente, kabilang rin sa target sampahan ng asunto ang mga opisyal at dating opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) kasama si Atty. Zuleika Lopez na nagsilbing chief of staff ng bise-presidente.
Pasok din sa mga nilulutong kaso kontra Sara at iba pa ang technical malversation, falsification, bribery, at graft and corruption.
Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang committee report sa sesyon nito Martes ng gabi matapos basahin ng chairperson ng komite na si Manila Rep. Joel Chua.
Ang rekomendasyon ay nag-ugat sa irregularidad umano sa paggastos ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023. Inirekomenda rin ng komite na amiyendahan ang Joint Circular No. 2015-01 upang maiwasan ang pang-aabuso sa paggamit ng confidential funds.
Hiniling din ng komite ang paglikha ng pamantayan sa pagtukoy ng mga ahensya na maaaring bigyan ng confidential funds at ang limitasyon sa halaga nito.
Rekomendasyon ng komite, pag-amyenda sa Secrecy of Bank Deposits Law (Republic Act 1405) upang maaaring mabuksan ang bank account kung nasaan ang pondo ng gobyerno.
Ang kopya ng committee report ay ipadadala sa Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Department of Justice, at Department of Budget and Management para sa kanilang impormasyon at angkop na aksyon.
