HINDI pa man natutugunan ang sandamakmak na reklamo hinggil sa palpak ng serbisyo ng Prime Water Infrastructure Corporation na pag-aari ng mga Villar, kaladkad ulit sa bulilyaso ang pinakamayamang pamilyang nagmamay-ari ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR).
Ang dahilan — walang puknat na brownout sa naturang lalawigan.
Sa press briefing sa Malacañang, hayagang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang SIPCOR ang nangangasiwa ng kuryente sa Siquijor ay pagmamay-ari ng Villar Group of Companies.
“Ang SIPCOR na siyang nagma-manage ng kuryente o power provider sa Siquijor ay pag-aari ng Villar Group of Companies. Kaya minamadali ng Pangulo na makausap ang SIPCOR para sa mas mabilisang pagtugon sa problema,” wika ni Castro.
Pag-amin ni Castro, hindi na bago ang problema sa elektrisidad sa Siquijor kaya naman lubos umanong nagtataka ang pamahalaan kung bakit hindi pa rin natutugunan ng SIPCOR ang supply ng kuryente sa lalawigan na kanilang pinagkakakitaan.
Para kay Castro, masyado nang mahaba ang pagdurusang dinaranas ng mga residente ng Siquijor.
Gayunpaman, umaasa pa rin umano si Pangulong Marcos na hindi tatalikuran ng kumpanya ng pamilya Villar ang obligasyon sa Siquijor.
Hinamon rin ni Castro si Senator-Elect Camille Villar na isabuhay ang pangako noong panahon ng kampanya na “walang iwanan” sa pamamagitan ng paglutas agad sa problemang hatid ng kanilang kumpanya sa nabanggit na lugar.
“Kung tutuusin hindi ito bagong problema, dapat noon pa nila ito tinugunan. Ang sabi nga po nila, ang tunay na kaibigan ay walang iwanan. We hope that they will not abandon their obligations in Siquijor,” dagdag ni Castro.
Samantala, binigyan lang ni Marcos ng anim na buwan ang SIPCOR para ayusin ang problema sa Siquijor.
Ayon kay Marcos, hindi papayag ang gobyerno pabayaan ng SIPCOR ang mga tao sa nasabing probinsya, gayundin ang kooperatibang tuloy-tuloy naman ang pagbabayad sa nasabing kumpanya.
“Hindi puwedeng paanong hindi ibibigay. Hindi puwede. It just cannot be. Talk to the people na walang kuryente. Nagbabayad ang cooperative. Ang problema yung provider kaya’t iyan ang kailangan nating ayusin” ani Marcos.
