
BUKOD sa panandalian lang, malayo sa angkop na bawas sa buwanang singil sa mga konsyumer ang ikinasa ng Manila Electric Company (Meralco), ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Para kay Hontiveros, isang kritiko ng administrasyon, mas malaki pa sa P0.72 per kilowatt hour para sa buwan ng Hulyo ang dapat naging kabawasan sa singil ng Meralco kung magagawa ng pamahalaan magpatupad ng mga angkop na reporma sa sektor ng enerhiya.
“Ang pagbaba ng singil sa kuryente ay talaga namang mangyayari dahil bumaba rin ang presyo ng imported coal sa world market. Kaya ang tanong, hanggang kailan matatamasa ng konsyumer ang mas mababang singil sa kuryente? Hindi ito permanente,” ani Hontiveros.
Bukod sa pagbaba ng imported coal sa pandaigdigang merkado, bumaba rin ang generation rate na natanggap nito mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at sa mga kontrata nito sa coal plants.
“The government should be proactive in implementing policy changes that would permanently and sustainably reduce our consumers’ electricity bills,” dagdag pa ng militanteng mambabatas.
Binigyang-diin ng senadora na bukod sa generation charge ay may mga hiwalay na items sa singil sa kuryente na maaari pang mabawasan at magkaroon ng pangmatagalang epekto gaya ng distribution charge ng Meralco at transmission charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“Isang reporma na matagal ko nang iginigiit sa Energy Regulatory Commission (ERC) ay ang pagpapababa sa napakataas na 15% weighted average cost of capital (WACC). Mula pa 2015 ito pinakikinabangan ng Meralco at NGCP. Kung maitatama ito, tiyak na may bawas din sa distribution at transmission charges at mapapagaan ang pasanin ng mga konsyumer,” ani Hontiveros.
Ang distribution charge ng Meralco nitong Hunyo ay nasa 18% ng total bill, ang transmission ay 4%, habang ang government taxes ay 10%. Mahigit kalahati ng bill (59%) kung gayon ay payable sa generation.
Sinabi pa ni Hontiveros na bukod sa reduction sa WACC ng Meralco at NGCP, malaking atensyon ang dapat ituon ng ERC at Department of Energy (DoE) sa pagtatama at pagbabantay sa power supply agreements (PSAs) sa pagitan ng mga generation companies at distribution utilities, gayundin ang optimization at pagsasaayos ng system operations dahil direktang naipapapasa sa mga konsyumer ang mabigat na epekto ng madadayang kontrata, power shortage, at delayed na mga proyekto sa transmission.
Bukod dito, simulan na rin ang usapin hinggil sa ganap na pagtanggal mula sa pagpapataw ng Value Added Tax sa kuryente bilang dagdag bayarin sa pasaning presyo ng kuryente sa bansa.
Hinimok din ni Hontiveros ang Administrasyong Marcos Jr. na unahin ang pagtutuwid ng mga maling kalakaran sa industriya ng kuryente, at sinabing inaasahan niyang marinig ito mula sa Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.
“Matagal nang nakabinbin ang mga repormang ito. Nasa harap na ang solusyon, kikilos na lang para maipatupad ito. Umaasa ako na gawing prayoridad ang anumang makakapagpagaan sa pasanin ng ating mga mamamayan at hindi ang interes ng iilan lang,” pagtatapos ni Hontiveros.