
HINDI sasagi sa isip ng mga magbubukid ibenta ang lupang sinasaka kung may sapat na suportang nakukuha sa pamahalaan.
“Naiintindihan natin ang pangamba ng ating mga civil society organizations (CSOs), ngunit bilang principal author ng New Agrarian Emancipation Act, nais kong klaruhin na ang layunin ng batas na ito ay bigyan ng sapat na suporta ang ating mga magsasaka para ang pagsasaka ay maging kumikitang kabuhayan para sa kanila, nang sa gayon ay hindi sila mamuhay na isang kahig, isang tuka,” ayon kay AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee sa isang pahayag.
Partikular na tinugon ni Lee ang pangamba ng ilang sektor sa di umano’y posibilidad na ibenta lang ng halos kalahating milyong benepisyaryo ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA) ang sakahan sa sandaling mapasakamay na nila ang titulo ng lupa.
Paglilinaw ni Lee, kalakip ng NAEA ang probisyon kung saan mahigpit na pinagbabawal ibenta ang iginawad na lupa 10-taon mula sa petsang nakuha ang titulo.
Sa ilalim ng batas na nilagdaan kamakailan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tulutang nabura ang tinatayang P57.56 bilyong pagkakautang ng humigit kumulang 610,054 magsasaka sa hinuhulugang lupa.
“Kapag na-implement nang maayos ang ating mga batas, hindi mangyayari ang mga kinatatakutan ng ating civil society partners. Good laws are only good or beneficial when they are properly implemented so this is what we must ensure—that the spirit of the law is what is being implemented,” diin pa ni Lee.
“If our farmers are made to realize that farming is a profitable enterprise and they can make a decent living out of farming, then they would not be tempted to sell off the land that have been given to them. That is why aside from condonation, the New Agrarian Emancipation Act also provides that ARBs who have completed payment of their amortizations shall be given preference to credit facilities and support services para siguradong Winner Tayo Lahat,” aniya pa.
Para kay Lee, nararapat lang na paglaanan ng sapat na pondo at suporta ng gobyerno ang sektor ng mga magsasaka lalo pa’t prayoridad ng administrasyon ang programang nagtutulak sa sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
“Kapag hindi natin masuportahan nang maayos ang ating mga magsasaka, ang ending natin ay mapililitan tayo na mag-import ng mga produkto mula sa ibang bansa.”