
NALUSUTAN na naman ang Bureau of Immigration matapos makumpirmang nakapuslit na patungo sa ibang bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na target ng warrant of arrest na inilabas ng Kamara.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, nasa United Arab Emirates (UAE) na si Roque nang manumpa at ipanotaryo sa Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ang counter affidavit kaugnay ng kasong qualified human trafficking na isinampa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission noong Hunyo ng kasalukuyang taon.
“A counter affidavit was submitted by lawyers of Harry Roque. It would appear that he had a document which was notarized pero doon siya sa Abu Dhabi,” wika ni Fadullon.
“The panel opted to give the respondent a chance, we called for a clarificatory hearing which would be scheduled anytime between now and the 16th of December. Purpose is to clarify certain issues and to find out really where Mr. Harry Roque is at this point in time,” dugtong ng opisyal.
Pag-amin ni Fadullon, hindi pa tiyak kung pwedeng gamitin ng prosekusyon ang dokumentong isinumite ni Roque. Aniya, kailangan pa muna iberipika sa embahada ang counter-affidavit ng dating tagapagsalita ng Palasyo.
Samantala, iginiit ni Roque na wala na siya sa Abu Dhabi. Aniya, doon lang niya pinanumpaan ang kanyang counter-affidavit kung saan hiniling ng dating Palace official ibasura ang kaso.
Katwiran ni Roque, walang ebidensyang magpapatunay ng kanyang partisipasyon sa human trafficking.
Para kay Roque, hindi sapat na ebidensya ang kanyang pagdalo sa isang pulong noong Hulyo 26, 2023, kasama si Katherine Cassandra Ong at mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
“Kung may anumang ilegal na nangyari sa pulong na iyon, o kung ang bayad na $203,100.00 ay ipinagbabawal ng batas, dapat kasuhan si Pagcor Chairman Alejandro Tengco at si Ms. (Jessa Mariz) Fernandez mismo dahil sa kanilang partisipasyon,” aniya.