WALANG kupas pagdating sa kontrobersiya ang Bureau of Immigration (BI). Sa pinakahuling bulilyaso, nadawit ang kawanihan sa di umano’y pagbibigay proteksyon at VIP treatment sa isang Japanese national na pinaniniwalaang pinuno ng isang malaking sindikato sa likod ng serye ng malakihang nakawan sa bansang Japan – habang nakakulong sa BI custodial facility sa Maynila.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, iniimbestigahan na ng kanyang tanggapan ang mga Immigration personnel na di umano’y nakikinabang sa detenidong si Yuki Watanabe, alyas Luffy.
“This matter is under investigation. Any Bureau of Immigration involved in helping give communications equipment to persons detained will be dealt with severely. It is a big problem in all detention facilities,” pahayag ni Remulla.
Hinala ng Kalihim, gawa-gawa lang ang kasong Violence Against Women and Children Act na kinakaharap ni Watanabe sa Pilipinas para maiwasan ang nakaambang deportation bunsod ng kasong pagpatay sa bansang Japan.
Taong 2021 pa nang dakpin at ikulong si Watanabe sa BI custodial facility. Habang nasa piitan, patuloy pa rin di umanong nakakapag-operate ng kanyang pinamumunuang sindikato sa tulong ng mga BI personnel na nagbibigay ng cellphone, laptop at iba pang kailangan.
Giit ni Remulla, kailangan ideport pabalik ng Japan si Watanabe sa ikalawang linggo ng Pebrero, kasabay ng pagtitiyak na mananagot ang mga BI personnel na nakinabang ng husto sa lingguhang suhol ng wanted na Hapon.