
SA gitna ng pagnipis sa hanay ng mga social workers, isang panukalang batas ang inihain sa Senado – P31,320 buwanang sahod para sa mga direktang tumutugon sa mga daing at pangangailangan ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Senate Bill 1707 (Competitive Remuneration and Compensation Packages for Social Workers Act of 2023) na inihain ni Senador Bong Go, target itaas ang sahod ng mga social workers sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno – P31,320 (katumbas ng Salary Grade 13) mula sa umiiral na P23,887 (Salary Grade 11) sweldo kada buwan.
Paliwanag ng may akda, higit na angkop kilalanin ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng mga social workers, kasabay ng pahayag ng pagkabahala sa paglisan ng malaking bilang mga social workers na puntirya na ngayon magtrabaho na lang sa ibang bansa.
“Their contribution to society is indispensable. It is imperative to uphold the rights and welfare of social workers by ensuring competitive remuneration and compensation packages for them,” saad sa isang bahagi ng proposed bill ng senador.
Ayon kay Go, lubhang nakakabahala ang sitwasyon ng mga social workers na aniya’y napag-iiwanan pagdating sa sweldo sa kabila pa ng mabigat na hamong kalakip ng trabaho.
“Social workers play vital roles in reintegration of families and communities who have been vulnerable after being victims of crimes, disasters, calamities, armed conflicts or similar incidents,” sambit ni Go. Tampok rin sa inihaing panukala ni Go ang probisyon kung saan pinahihintulutan ang mga social workers na sumali, mag-organisa o tumulong sa mga aktibista at unyonista sa kondisyong legal at walang isinusulong na maka-kaliwang ideolohiya.
Bahagi rin ng SB 1707 ang probisyong nagsusulong ng proteksyon kontra diskriminasyon, panghihimasok, pananakot, pambabarako, walang basehang kastigo ng mga namemersonal — kung hindi man namumulitikang amo.