HINDI barya ang ganansyang tinatamasa ng mga tiwaling opisyales at kawani ng Bureau of Immigration (BI), batay sa pagbubunyag ng impormante.
Sa isang eksklusibong panayam, kinanta ng isang kawani ng naturang ahensya ang aniya’y umiiral na kalakaran sa likod ng patuloy na pagpupuslit ng mga Pinoy patungo sa ibang bansa para magtrabaho bilang crypto scammer.
Ayon sa impormante, tinatarahan ng mga tiwaling Immigration officers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at maging sa iba pang international airports ang bawat sindikato kapalit ng pagbubulag-bulagan sa ilegal na aktibidad — human trafficking.
Nang tanungin kung magkano ang lingguhang ganansya — tumataginting na P400,000 mula sa bawat human trafficking syndicate.
“Yes, P400k lingguhan sa kada sindikato… pinaghahatian yung ng tatlo hanggang limang BI personnel na naka-assign sa airport.”
“So kung may limang grupo ng human traffickers, dalawang milyon ang pinagpapartehan kada linggo.”
Sa mga nakalipas na buwan, kabi-kabila ang batikos sa naturang ahensya matapos mabuko sa magkakahiwalay na insidente ang di umano’y pakikipagsabwatan ng mga Immigration personnel sa pagpupuslit ng mga Pinoy.
Bukod sa lingguhang payola ng mga sindikato, pasok din di umano sa modus sa mga paliparan ang pangingikil ng halagang P80,000 sa mga nagnanais lumipad patungo sa ibang bansa para mag-TNT (tago-ng-tago).
Patunay aniya ang pag-amin ng anim na biktimang nasabat noong Enero sa Clark International Airport. Nasagip ang mga biktima sa aktong pagsampa sa Jetstar flight patungo sa Phnom Penh.
Matapos ang imbestigasyon, inirekomendang sampahan ng patong-patong na kaso ang tatlong BI personnel na nakatalaga sa Clark.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Illegal Recruitment in Large Scale, at Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang tatlong BI personnel na kinilala ng impormante sa pangalang Alma, Grace at David.
Pag-amin ng mga biktima, naengganyo sila ng sindikato sa alok na sahod bilang ‘call center agent’ sa bansang Cambodia.